Home
SLUC Buwan ng Wikang Pambansa 2017

SLUC Buwan ng Wikang Pambansa 2017

“Huwag ikahiya ang ating wika sapagkat iyan ang diwa ng ating bansa”. Iyan ang winika ni dating Pang. Ramon Magsaysay. Ang wika ay kasangkapan ng pakikipagtalastasan. Ito’y tagapagdaloy ng ideya. Kung kaya’t para maipakita ang pagmamalasakit sa ating wikang pambansa, tayo ay nagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing buwan ng Agosto.
Ginanap sa Bulwagang Jose D. Aspiras noong ika-30 ng Agosto taong 2017 ang pagdiriwang nito na may temang “Filipino Wikang Mabagbago”. Ang kalahating araw ng selebrasyon ay puno ng mga pagatatanghal na kultural. Inumpisahan ni Tsanselor Cuison sa isang magandang talumpati ang selebrasyon. Napamangha ang mga manonood sa mga presentasyon na ginawa ng iba’t ibang kolehiyo. Isang pag-awit at sayaw ang ipinakita ng Paaralang Laboratoryo ng Elementarya na nakapagpatawa at nakapagpasaya sa mga manonood dahil sa kanilang pagiging bibo. Isa ring pag-awit at folk dance ang ipinamalas ng Paaralang Laboratoryo ng Sekondarya gamit ang kanilang magagandang kasuotan. Isang nakakatawang presentasyon ang ipakita ng Kolehiyo ng Edukasyon na skit at drama. Isang makulay na pagtatanghal naman ang ipinakita ng Surian ng Pangisdaan sa kanilang okupasyonal na sayaw. Ang nakakaindak na tugtuging “Piliin mo ang Pilipinas ang itinanghal ng Surian ng Kalusugang Pangkomunidad at mga kaugnay na Agham Pangmedesina (ICHAMS) sa kanilang presentasyong modernong sayaw. Nabuhay naman ulit ang kaugaliang haranang pinangunahan ng Kolehiyo ng Agrikultura at ang kakaibang pasalitang patula at isang makalaglag pangang sayaw sa bangko na itinanghal ng Kolehiyo ng mga Sining at Agham. Tuwang-tuwa naman ang lahat nang magkaroon ng sorpresang bilang ang Faculty at non-Teaching association ng DMMMSU.
Sa lahat ng pagtatanghal na ito, ipinapaalala sa atin ang pagpapahalaga sa ating wika at kultura. Nawa’y araw-araw nating isaisip at isapuso na hindi lang dapat sa buwan ng Agosto inaalala ang kahalagahan ng ating wika, kundi dapat habang nabubuhay tayo ay inaalala ito. Bilang isang Filipino, laging isaisip na ang ating wikang pambansa ay sagisag ng kalayaan, sagisag ng karangalan, susi sa pagkakaunawaan tungo sa kaunlaran nitong ating lupang tinubuan.

Isinulat nina April Agsangre, Romina Kris Navarro, at Bb. Dona Fortes

Leave a Comment

*

*